Ebolusyon

Ang Kasunlaran o ebolusyon ay ang pagbabago sa mga namamanang katangian ng mga populasyon ng organismo sa loob ng mga sunod-sunod na henerasyon sa paglipas ng mahabang panahon. Ang kasunlaran ang paliwanag na tinatanggap sa agham ng paglitaw ng mga magkakaiba ngunit magkakaugnay na mga anyo ng buhay sa mundo. Ang sentral na ideya ng kasunlarang biyolohikal ay ang lahat ng mga anyo ng buhay sa mundo ay nagsasalo ng isang pinagmulang karaniwang ninuno. Ito ay nangangahulugang ang mga organismo mula sa mga tao, ibon, mga balyena at hanggang sa mga halaman ay mga magkakamag-anak. Ang karaniwang ninuno na ito ay nagsanga o naghiwalay sa iba't ibang mga species(espesye) sa pangyayaring tinatawag na speciation. Sa paglipas ng mahabang panahon, ang kasunlaran ay lumikha at kasalukuyan pa ring lumilikha ng mga pagbabago at mga iba't ibang espesye sanhi ng mga pagbabagong pangkasunlaran na natural na seleksiyon, mutasyon, daloy ng gene, at genetic drift. Si Charles Darwin ang unang bumuo ng argumentong siyentipiko para sa teoriya ng kasunlaran sa pamamagitan ng natural na seleksiyon. Ang kasunlaran sa pamamagitan ng natural na seleksiyon ay hinahango mula sa tatlong mga katotohanan tungkol sa mga populasyon: ang mas maraming supling ng organismo ay malilikha kesa sa posibleng makapagpatuloy na mabuhay, may pagkakaiba iba sa mga katangian sa pagitan ng mga indibidwal sa isang populasyon. Ang ilan sa mga pagkakaibang ito ay maaaring gumawa sa isang organismo na mas mahusay na makapagpapatuloy at makapagpaparami kesa sa ibang organismo na walang katangian nito sa isang partikular na kapaligiran ang mga iba ibang katangiang ito ay namamana. Dahil dito, kapag ang mga kasapi ng isang populasyon ay namatay, ang mga ito ay pinapalitan ng mga supling o inapo na mas mahusay na nakaangkop na makapagpatuloy at makapagparami sa kapaligirang pinangyarihan ng natural na seleksiyon. Ang natural na seleksiyon ang tanging alam na sanhi ng pag-aangkop(adaptation) ngunit hindi ang tanging sanhi ng kasunlaran. Ang iba pang mga hindi-pag-aangkop na sanhi ng kasunlarn ay kinabibilangan ng mutasyon at genetic drift. Ang buhay sa daigdig ay nagsimula at pagkatapos ay nagsunlad mula sa pangkalahatang karaniwang ninuno sa tinatayang 3.7 bilyong mga taon ang nakalilipas. Ang paulit ulit na espesiasyon at diberhensiya ng buhay ay maaaring mahango mula sa magkasalong mga hanay ng mga katangiang biokemikal at morpolohikal o sa pamamagitan ng pinagsasaluhang mga sekwensiya ng DNA. Ang mga katangiang homolohosong ito at mga sekwensiya ng DNA ay mas magkatulad sa mga espesyeng nagsasalo ng isang mas kamakailang karaniwang ninuno at maaaring gamitin upang magsagawa ng rekonstruksiyon ng mga kasaysayang ebolusyonaryo gamit ang parehong mga umiiral na espesye at ang fossil record. Isinasaad din sa teoriyang ito na ang isang espesye ng mga Aprikanong Ape ang pinagsasaluhang ninuno ng mga tao, chimpanzee at bonobo. Sa simula nang ika-20 siglo, ang henetika ay isinama sa teoriyang ebolusyon ni Darwin sa pamamagitan ng natural na seleksiyon sa pamamagitan ng displinang henetikang populasyon. Ang ebolusyon ay sinusuportahan ng mga ebidensiya at mga obserbasyon sa mga larangan ng biyolohiya na biyolohiyang molekular, henetika gayundin sa paleontolohiya, antropolohiya at iba pa. Ang kasunlaran ay nilalapat sa iba't ibang mga larangan ng agham kabilang ang henetika, neurosiyensiya, ekonomika, bioimpormatika, medisina, agrikultura, agham pangkompyuter, sikolohiya, antropolohiya at iba pa.


Developed by StudentB